Ang Simula…

Ako si Patrick. Tubong Paete ako sa Laguna. Oo pare, medyo malayo ‘yon. Maliit lang ang bayan namin. Tahimik. Bihira ang gulo. Pagsama-samahin mo ang mga boto ng mga rehistrado galing sa siyam na barangay tuwing eleksyon, may panalong Mayor na.

Walang gasoline station na may CR sa ‘min–puro deboteng gasolina lang, sapat sa motorsiklo at trike. Walang Puregold. Ayos lang. Buhay na ang mga tao samin sa supply ng sandamukal na mga Sari-Sari Store. Oy, pero ‘wag ka, magtatayo daw ng 711 dun sa may bayan. Oh ‘di ba? Wala nang gutom sa hatinggabi. Umay na sa lugaw eh.

Sapat lang ang pamumuhay namin. Ang tatay ko nasa barko, ang nanay ko dakilang house manager. Kumpleto ang bawat parte ng bahay. ‘Yun nga lang, walang cable ang TV namin. Teka, baka isipin mo ganun na ka-low class ang pamumuhay dito sa Paete. May cable providers din naman dito. Malas lang namin na sa paanan ng bundok kami napatira. Hirap, ‘no? Ayos lang. Iwas baha. May kuryente’t tubig naman. Kuntento na.

Umuwi ang tatay ko. Dalawang buwan ang bakasyon. Isang araw, nagpunta siya sa kalapit bayan. Saan kamo? Dun sa nagkakabit ng cable. Langya pare, 6k/month daw dahil sa lokasyon namin. Wag na lang. Tiis tayo sa Pangako Sa’yo ni Jericho at Kristine gabi-gabi. Maganda din naman ang istorya.

Pinasok kami ng utol ko sa private school. Kaya naman daw ng mga magulang namin. Dito na nagsimula ang pagiging iba ko sa mga kapwa ko bata. Araw-araw kwentuhan ang mga kaklase ko. “Nanuod ka ng Mr. Bean kagabi sa Disney Channel? Cool, no?” Tawanan sila. Ako, nasa tabi, lumilingon sa paligid, naghahanap ng kakwentuhan tungkol kay Cedie. Eh anong magagawa ko? Eh sa ‘yun lang ang napapanood kong cartoons eh. Mabuti na rin. Masama daw ‘yung asal nung Mr. Bean eh. Dun na tayo sa mabait.

Tatlong channel lang ang bumubusog sa mga mata namin araw-araw– ‘yung dalawa puro drama sa gabi, ‘yung isa puro takbuhan at paglalaro ng bola– minsan may suntukan pa. Mawala man ang remote control, ‘di na masyadong problema.

Minsan lang umuwi si Papa. Ibigay dapat lahat ng hilig. Tuloy, puro bola, takbuhan at suntukan na lang ang napapanuod ko habang gumagawa ng home work nung time na yon. Intense ‘yung isang laro, pare. Ang bangis nung Ildefonso. “Tapos na ba yang assignment mo, nak?” “Opo.” “Lika dito. Manuod tayo nitong laro.”

San Miguel at Purefoods yun. May dalawang banyagang nakikilaro sa bawat team. Ang ganda nung game. Ang daming taong nanunuod. Mukang ayos to. Gusto ko matuto nito.

Pero paano? Limang taon lang ako non, Grade1. ‘Di ba para sa taguan at bahay-bahayan ang ganoong edad? Wala akong nagawa. Wala na ‘kong nagawa para mapigilan ang bago kong hilig.

Apat lang kaming bata sa compound namin. Bundok eh, tago pa. Magpipinsan kami. Minsan nagiging lima ‘pag umaakyat ‘yung isa naming pinsan na hinahabilin ng tito ko. Iisa ang hilig namin. Nagtaka ka pa. Iisa lang din naman kasi ‘yung listahan ng malinaw na channel sa mga telebisyon namin. Cedie sa umaga, Eat Bulaga sa tanghali, Slam Dunk sa hapon, PBA sa gabi. Ayos, ‘di ba? Dapat lahat ng channel madadaanan.

Hati ang pinapaboran naming kuponan sa basketball. Ako at ‘yung pinsan kong isa, San Miguel ang sigaw. Olsen Racela at Danny I days. Paano ba naman malilimutan. ‘Yung utol ko naman at tsaka ‘yung isa kong pinsan, Never Say Die ang battlecry. Bagitong Bandana Brothers ni Caguioa at Helterbrand ang ginagaya, naabutan pa si Bal David. Walang katapusang asaran kapag naglalaban ang beer at gin sa Araneta. Pati kuko namin tila wala ring katapusan kapag dikdikan ang laban. Nail bite kung nail bite. Pumalya si Seigle sa possible last shot. Nangalabaw si Limpot sa loob. Panalo ang Ginebra. Lunod sa asar. Ubos ang kuko. Luhaan. Bawi next time.

Grade 6 ako, nagkausuhan ng High School Musical. “Pat, alam mo yung step ng We’re All in This Together?” Leche. Otso-otso lang ang alam ko. Malay ko ba non. Walang ganun sa ABS-CBN. Alone na naman? Hindi na. Fan kaya ng Purefoods si Kuya Marvin, ‘yung guard sa school. Sa wakas, may kakwentuhan na ‘ko.

Gising-Pasok-Aral-Uwi-Nood Basketball- Tulog. Sinong mag-aakala na sa ganito kasimpleng pamumuhay na ‘di tipikal sa isang bata, mabubuo ang isang pangarap? Sa wakas, natuloy na rin itong pagsulat ko. Taon din ang binilang bago ko nasimulan. Sa wakas mailalabas ko na ang lahat ng nasa puso’t isip ko. Sa wakas makakapagsulat na ko tungkol sa pagbangon mula sa kangkungan ng Ginebra, ‘yung team na kinaayawan ko dati pero mahal na mahal ko na ngayon. Sa wakas mailalabas ko na ang sama ng loob ko sa tuwi na lang maglalakad ang basketball team ng school sa cafeteria at ipapamuka sa ‘kin na certified minion ako. Sa wakas may blog site na ako. Ito ang simula…ang simula na walang katapusan.

Advertisements

4 thoughts on “Ang Simula…

  1. Noong mga panahong ‘yan.. tanging kabaitan ni Cedie lang ang ating maaasahan. Alam mo ba ang galing mo magsulat. Ipasa mo kaya ‘to para sa school paper niyo. May potensyal ka talaga. Nakikita ko ‘yung passion mo.

    🙂

    Like

      1. Bagito ka pa sa lagay na ‘yan ah. Woah, amazing. I’m reading all you works kaya dagdagan mo pa. Hehehe. 😀 Congrats sa’yo. 🙂

        Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s